24/05/2026
MABILIS NA RESPONDE NG PNP, NAGING DAAN SA LIGTAS NA PANGANGANAK SA ZAMBALES
Isang buntis ang matagumpay na naisugod at napangalagaan ng mga kapulisan matapos itong mangailangan ng agarang tulong habang nasa gitna ng emergency noong gabi ng Mayo 19, 2026 sa San Marcelino, Zambales.
Habang nagsasagawa ng pagpapatrolya sa kanilang lugar, agad na rumesponde sina Patrolman Nyl Art H. Dela Peña at Patrolman Johnsen A. Macabitas ng San Marcelino MPS matapos lapitan ng isang concerned citizen hinggil sa kalagayan ng babaeng manganganak na noon ay nasa kritikal na sitwasyon.
Sa mabilis na aksyon ng dalawang pulis, isinakay nila ang pasyente patungo sana sa pinakamalapit na pagamutan. Ngunit habang nasa biyahe, hindi inaasahang nanganak ang babae at matagumpay na isinilang ang isang malusog na sanggol na lalaki, sa tulong at paggabay ng mga pulis.
Sa kasalukuyan, ligtas at maayos ang kalagayan ng mag-ina at patuloy na inoobserbahan sa ospital.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang ganitong uri ng insidente ay sumasalamin sa tunay na diwa ng serbisyo ng kapulisan.
“Hindi natin alam kung kailan darating ang emergency, kaya mahalaga ang agarang aksyon ng ating mga pulis. Sa pagkakataong ito, muling napatunayan ang kanilang kahandaan at malasakit,” pahayag ni PGen Nartatez.
Ang nasabing insidente ay nagpapakita ng maagap at makataong serbisyo ng kapulisan na tunay na maaasahan ng komunidad, patunay ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PNP-PIO)