14/05/2025
Sa lahat ng naniwala at sumuporta sa akin sa paglalakbay na ito, taos-puso po akong nagpapasalamat. Alam kong hindi ito ang resulta na inaasahan o hiniling natin, pero ito ang ibinigay sa atin — at ayos lang ‘yon. Kahit sa mga panahong pagod na pagod ako — sa isip, katawan, at damdamin — patuloy pa rin akong lumaban at ibinigay ang aking buong makakaya araw-araw, dahil ayokong biguin ang mga taong naniniwala sa akin. Dahil doon, taas-noo kong masasabi na ginawa ko ang lahat ng aking makakaya, sa abot ng aking kaalaman at kakayahan.
Sa Tanauan City’s Hope / Halili-Bengzon team, maraming salamat sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong makapaglingkod sa publiko, kahit sandali lamang ang ating pagsasama. Isang malaking karangalan para sa akin na lumaban para sa paniniwala ko nang may integridad at kababaang-loob, kasama ang mga taong may parehong pinahahalagahan.
Sa lahat ng mga nahalal na opisyal, nawa’y madala ninyo ang karangalan at kaunlaran sa lungsod na nagtiwala sa inyong kakayahan at mga plataporma. Ngayong tapos na ang halalan, sana’y magkaisa tayong lahat para sa ikabubuti ng bawat Tanaueño.
Iyong lingkod,
Carlos Laurel