25/05/2026
DARPO Rizal, Ipinagmalaki ang Parangal mula sa ARTA sa 'Kapihan sa DAR' Forum
Isang malaking karangalan at tagumpay ang iniuwi ng Department of Agrarian Reform Provincial Office - Rizal matapos itong opisyal na kilalanin sa ginanap na "Kapihan sa DAR" Forum at tele-radio program na "DARetso Impunto!" ngayong araw, Mayo 21, 2026.
Ang aktibidad, na pinangunahan ng DAR Committee on Anti-Red Tape (CART) sa DAR Emancipation Lounge at via Microsoft Teams, ay bahagi ng pagdiriwang ng Ease of Doing Business (EODB) Month alinsunod sa Presidential Proclamation No. 818โs. 2025.
Ang ating tanggapan, sa ilalim ng gabay at pamumuno ng ating Provincial Agrarian Reform Program Officer II, Raul M. Leonin, ay pormal na naisama sa listahan ng mga natatanging field offices sa buong bansa na nagpamalas ng husay at bilis sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Dahil sa ating commendable performance, mapalad ang DARPO Rizal na mailatag ang ating mga karanasan bilang isa sa mga opisyal na resource speakers sa forum. Sa pamamagitan ng isang maikling presentasyon, ibinahagi ng ating pamunuan sa buong kagawaranโmula sa Central Office hanggang sa iba't ibang rehiyon sa bansaโkung paano natin hinarap ang mga hamon sa regulasyon at kung paano natin isinasakatuparan ang isang client-centered service delivery.
Lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng DARPO Rizal sa bawat kawani ng ating panlalawigang tanggapan. Ang bawat aprubadong dokumento, bawat ngiti ng magsasakang ating naseserbisyuhan, at bawat minutong natitipid sa proseso ay dahil sa inyong dedikasyon.
Ang tagumpay na ito ay para sa lalawigan ng Rizal, at higit sa lahat, para sa mga magsasakang Pilipino na siyang puso ng ating bokasyon. Patuloy nating itataguyod ang prinsipyong walang red tape, may malasakit, at DARetso ang serbisyo!