30/08/2026
PAUNAWA SA LAHAT!
Nais naming bigyang-diin muli sa ating mga motoristang dumadaan sa Spillway, Sitio Quarry II, Brgy. Dalig, Teresa, Rizal na tuwing umaapaw ang tubig o nasa spilling level ito ay mahigpit po naming ipinagbabawal ang pagtawid pa sa nasabing lugar ng anumang uri ng sasakyan para sa kaligtasan ng lahat.
Batid po namin na ito ang isa sa maikling daan o shortcut ng ilang mga motorista, ngunit hindi po namin pupwedeng pahintulutan ang pagdaan dito kahit na sa inyong palagay ay KAYA ng inyong sasakyan na suungin ang agos o daloy ng tubig.
Ang katubigan pong dumadaloy sa Spillway ay mula sa mga tributary creek o sapa na galing sa iba't ibang lugar na malapit sa atin. Tuwing bumubuhos ang malakas na ulan sa kabundukan at upland ay awtomatikong dadaloy po ito papunta sa ating mga waterway, kung kaya't ipinapatupad ng barangay ang mahigpit na polisiya sa pagbabantay sa nasabing lugar upang, kung sakali man na magkaroon ng mabilis at rumaragasang tubig, ay walang mapapahamak.
May mga itinalagang kawani ng Barangay na nagbabantay sa nasabing lugar at kung sila man po ay nagbabawal na kayo ay patawirin dahil sa lakas ng daloy ng tubig, ito po ay kautusan ng Barangay sa kanila upang siguraduhin ang kaligtasan ng lahat. Kung kaya't hinihiling namin na sundin po natin ang kinauukulan. Makailang beses nang nangyari na minura at hindi pinakinggan ang aming mga kawani na gumaganap lamang sa kanilang tungkulin; may mga ulat din na sinasagasaan o sinisira ang mga hinaharang sa nasabing kalsada. Ipapaunawa po namin na kaya pong ipagtanggol ng aming Pamahalaang Barangay ang aming mga kawani, lalo na kung sila po ay gumaganap lamang sa kanilang tungkulin na tiyaking ligtas ang lahat tuwing aapaw ang spillway.
Sa mga nagtatanong naman kung bakit hindi pa ito mapatayuan ng tulay, nais din natin linawin na ito ay bahagi ng plano ng ating Pamahalaang Bayan at ng Barangay, ngunit may mga tamang proseso na dapat sundin lalo na dahil ang lupa na maaaring daanan ng tulay ay pagmamay-ari pa ng pribadong sektor.
May mga daan naman na bukas para sa publiko na talagang nakatalaga bilang pangunahing daan. Ang spillway ay isa lamang shortcut o alternatibong daan kung hindi umuulan.
Nawa ay makiisa tayo para sa kaligtasan ng lahat.
Hindi po kami naghihigpit para sa amin lang kundi para sa kaligtasan ng lahat.