02/09/2026
Ito ay isang personal na blog kung saan ibinabahagi ko ang aking mga kuwento, karanasan at kakulitan.
“Tipid at Ipon”
Tuwing may magsasabi sa amin “Mayaman naman kayo.” Ang palagi ko sinasagot “Oo, mayaman kami… sa kaibigan.”
Kung tutuusin, maraming puwedeng ibig sabihin ang mayaman. Maaaring sa pera o materyal na bagay. Maaari din na mayaman sa kabutihang loob o sa dami ng mga nagmamahal.
Ayokong sumagot ng hindi. Kasi mas masuwerte daw kung ang isasagot ko ay oo.
2 ang anak namin ni Manny. Pareho silang nag-aaral pa. Ibig sabihin, maraming bayarin. Kung dati gatas, diaper, vitamins, bayad sa check-up sa duktor, at age-appropriate snacks, nadagdag ang tuition at school fees, gasolina para sa sasakyan na sumusundo at naghahatid, school supplies, bayad sa special classes at extra-curricular activities, at marami pang iba nang nagsimula na sila mag-aral.
Ngayon na nasa kolehiyo na sila, mas mataas na ang tuition fee, mas malaking baon at mas mahal na mga pangangailangan. Hindi biro.
Kanina, binayaran ko ang tuition fee ni bunso na freshman na sa college. Tuwang-tuwa ako dahil galing ito sa pagtitipid at pag-iipon.
Ganun din naman dati pa, tipid at ipon, pero iba yung naramdaman ko na saya pagkatapos ko ideposit ang bayad. Mas feel ko yung kataga na “sacrifice now, enjoy later.” Nakaka-happy.
Tiyak ako hindi ako nag-iisa. Halos lahat ng magulang, naiintindihan ang pinagdaraanan ko na may mga anak na nag-aaral pa.
Mahirap nguni’t kakayanin. Darating ang panahon na mapapalitan din ang pagtitiis ng ginhawa.