30/07/2026
PRO2 News Brief 07-31-44
July 31, 2026
Valley Cops, Nakasamsam ng Mahigit Isang Milyong Halaga ng Ilegal na Droga; 125 Arestado sa Isang Linggo
Camp Marcelo A. Adduru, Tuguegarao City, Cagayan – Mahigit Php1,047,492.00 halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng Police Regional Office 2 (PRO2) sa pinaigting na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) na isinagawa mula Hulyo 23 hanggang 29, 2026 sa buong Lambak ng Cagayan, na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng 125 indibidwal dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas.
Sa kampanya laban sa ilegal na droga, walong operasyon ang ikinasa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 13 suspek kung saan nasamsam ang 153.6 gramo ng shabu na may tinatayang halagang Php1,044,480.00 at 25.1 gramo ng ma*****na na nagkakahalaga ng Php3,012.00.
Sa kampanya laban sa mga wanted persons, 100 indibidwal ang nadakip kabilang ang tatlong Most Wanted Persons at 97 iba pang wanted persons. Sa kampanya laban sa ilegal na sugal, apat na indibidwal ang naaresto sa isang operasyon, habang sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Fi****ms and Ammunition Regulation Act, dalawang operasyon ang nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang indibidwal at pagkakakumpiska ng apat na baril. Bukod dito, 13 baril at dalawang pampasabog ang boluntaryong isinuko at narekober sa tulong ng mga mamamayan bilang suporta sa kampanya laban sa loose fi****ms at explosives.
Sa kampanya laban sa illegal logging sa ilalim ng Presidential Decree No. 705, anim na indibidwal ang naaresto sa anim na operasyon kung saan nakumpiska ang 1,501 board feet ng iligal na kahoy na may tinatayang halagang Php127,860.00.
Ayon kay PBGEN Mariano C. Rodriguez, Regional Director ng PRO2, patunay ang mga resulta ng lingguhang operasyon na nananatiling agresibo ang kapulisan sa pagtugis sa mga sangkot sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad. “Hindi namin luluwagan ang aming kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang banta sa kapayapaan at kaayusan. Patuloy nating paiigtingin ang intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa ating mga komunidad upang matiyak na ang bawat lumalabag sa batas ay mapapanagot at ang bawat mamamayan ay makapamuhay sa isang ligtas at mapayapang Lambak ng Cagayan. Ito ay kaakibat ng ating adhikain—Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” pahayag ni PBGen Rodriguez.
# # #
PRO2 News Brief No. 07-31-44
Authority: PBGEN MARIANO C RODRIGUEZ
Regional Director, Police Regional Office 2
PMAJ SHARON C MALLILLIN
OIC, RPIO
Contact Nos. Tel: (078) 304-0074
Fax: (078)304-2897
Website: https://pro2.pnp.gov.ph/
page: Police Regional Office 2