04/08/2026
ALAGANG NAPOLCOM | ISANG KWENTO NG PAG-ASA AT PAGBANGON
FRED PAUL G. ESPERO
NAPOLCOM Scholar
May mga tulong na hindi lamang nagbabago ng isang buhay,
nagbibigay rin ito ng pagkakataong makapagbigay pabalik.
Ganito ang naging kwento ni Fred Paul G. Espero, dating iskolar ng NAPOLCOM Regional Office 2, na ngayon ay isa nang g**o na humuhubog sa susunod na henerasyon ng mga mag-aaral.
Lumaki si Fred sa isang pamilyang itinaguyod ng kanyang ina matapos silang maulila sa kanilang ama na si PO2 Frederick A. Espero noong April 29, 2006. Bilang anak ng isang single mother, naranasan niyang harapin ang kakapusan sa buhay, lalo na sa gastusin sa pag-aaral. Sa halip na panghinaan ng loob, ginawa niya itong inspirasyon upang magsikap at maabot ang kanyang mga pangarap.
Naging malaking tulong ang scholarship ng NAPOLCOM sa kanyang paglalakbay. Sa pamamagitan nito, naipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral at natapos ang Bachelor of Secondary Education Major in Social Science bilang Cum Laude. Noong Disyembre 2024, nakapasa rin siya sa Licensure Examination for Professional Teachers, mga tagumpay na bunga ng kanyang sipag at ng pagkakataong ipinagkaloob sa kanya.
Ngayon, nagsisilbi si Fred bilang College Instructor sa Saint Paul University Philippines, kung saan ibinabahagi niya ang kanyang kaalaman at ginagabayan ang mga kabataang nangangarap ding makapagtapos ng pag-aaral. Kasabay nito, nakatutulong na rin siya sa kanyang pamilya at patuloy na isinusulong ang kahalagahan ng edukasyon.
Hindi rito nagtatapos ang kanyang paglalakbay. Kasalukuyan siyang kumukuha ng Doctor of Philosophy major in Educational Management, habang patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa kanyang mga estudyante. Para kay Fred, ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay kung may tiyaga, pananalig sa sarili, at mga taong handang magbigay ng pagkakataon.
Bilang pasasalamat, ibinahagi ni Fred ang kanyang taos-pusong pagkilala sa NAPOLCOM. "Lubos kong pinasasalamatan ang NAPOLCOM sa pagbibigay sa akin ng napakahalagang pagkakataon at suporta na naging daan upang marating ko ang aking mga tagumpay ngayon. Hindi matatawaran ang naging ambag ninyo sa paghubog ng aking kakayahan at sa pag-angat ng aking kinabukasan."
Alagang NAPOLCOM
Patunay na ang isang pagkakataong ipinagkaloob ngayon ay maaaring maging inspirasyon ng marami bukas.
Ulat mula sa NAPOLCOM Region 2