19/09/2024
Nawawalang Mangingisda ng Infanta, Quezon Province, Nasagip sa Karagatan ng Basco, Batanes
Batanes PPO, Basco, Batanes – Matapos ang 46 na araw na pagkawala sa laot ay buhay at ligtas pang nasagip ang isang lalaking mangingisda na nagpakilalang si Robin Dejillo, 49 taong gulang, at residente ng Purok Rosas, Brgy. Dinahican, Infanta, Quezon Province, CALABARZON dito sa malawak na karagatan ng Batanes kaninang 12:25 ng tanghali, September 19, 2024.
Ito ay naiulat ni SN1 John Kelvin M Aldohisa, PCG Batanes matapos niyang matagpuan sa gitna ng karagatan ang isang puting maliit na bangka na may bow number na QUE-12-1716, body number na no. 3 at body paint na “JM” sa gitna nito habang nagsasagawa ng Seabourn Patrol lulan ang MB / Veronica-II na tinatayang nasa 16-18 Notical Miles o kaya ay 11-15 kilometers mula sa Batan Island, Batanes.
Agad namang itong naitawag sa kampo ng Philippine Coast Guard – Batanes habang sinasagip ang nasabing biktima at nabigyan din nila ito ng agarang paunang lunas at hinila ang kanyang bangka papunta sa bayan ng Basco.
Agad ring nakipag-ugnayan ang PCG sa Batanes General Hospital at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office para humingi ng agarang tulong upang dalhin ang nasagip na pasyente sa Hospital para sa wasto nitong atensyong medikal.
Ayon sa Philippine Coast Guard, ang nasabing pasyente ay matagal nang naitalang nawawala sa Coast Guard Station ng Northern Quezon noon pang ika-4 ng Agosto, 2024, 46 na araw na ang nakakalipas.
Sa Follow-Up Investigation ng Basco Police Station, Nawalan daw ng gasolina ang sinasakyang bangka ni Robin, kaya't hindi na ito nakabalik pa sa kanyang Mother Boat at nagpaanud-anod na lang sa alon ng dagat. Dagdag pa rito ang ilang bagyo at Low Pressure Area na tumama sa bahagi ng Northern Luzon kaya't tuluyan na itong naianod sa Batanes.
Sa kasalukuyan ay nasa Batanes General Hospital ang pasyente at bagamat nakakusap na umano ang pasyente, hinang-hina pa rin ito, kaya’t batay na rin sa kanyang attending Physician na si Dr. Jenward V. Hostallero, MD, hindi pa matutukoy kung gaano ito katagal bago makarecover.
Nakipag ugnayan na rin ang Coast Guard Batanes sa Coast Guard Northern Quezon kaugnay ng nasabing insidente at nakahanda rin ang Philippine Coast Guard anumang oras makarecober ang pasyente ay maaari itong sunduin ng kanilang Eroplano (PCG) para makauwi ito sa kanyang mga mahal sa buhay.
# # #
PRESS RELEASE 09-03
Authority: PLTCOL CALIXTO E LABANG, OIC, BPPO
PIO: PLTCOL GEOVANNI V CEJES, Chief PCADU
Releaser: PCpl Marlon S Alina, PIO PNCO
Date: September 19, 2024
Source: Philippine Coast Guard - Batanes