30/05/2026
𝐓𝐈𝐍𝐆𝐍𝐀𝐍: 𝐓𝐈𝐍𝐆𝐍𝐀𝐍: Dinagsa ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon ang isinagawang Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa ngayong araw, May 30, sa Isabela Convention Center sa Cauayan City.
Ang aktibidad na ito ay patunay ng patuloy na suporta ng pamahalaan para sa ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya. Sa pamamagitan ng Regional Reintegration Network (RRN) na pinangungunahan ng Department of Migrant Workers (DMW), mas pinalalakas ang ugnayan ng iba’t ibang ahensya upang makapaghatid ng mas maayos at mas mabilis na serbisyo para sa mga nagbabalik na manggagawang Pilipino.
Ayon kay DMW Regional Director Rogelio Benitez, layunin ng programang ito na tulungan ang mga OFW sa kanilang muling pagsisimula sa bansa sa pamamagitan ng mga oportunidad sa trabaho, kabuhayan, pagsasanay, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at iba pang programang makatutulong sa kanilang kinabukasan.
Bukod sa ceremonial signing ng Memorandum of Agreement para sa pagtatatag ng Regional Reintegration Network sa Rehiyon Dos, tampok din sa aktibidad ang isang malawakang serbisyo caravan na hatid ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at private manpower agencies. Kabilang dito ang job fair para sa mga naghahanap ng lokal at overseas employment opportunities, libreng medical check-up at konsultasyon, impormasyon at referral services, gayundin ang pagpapakita at pagbebenta ng mga lokal na produkto ng mga OFW at kanilang pamilya bilang bahagi ng pagsusulong ng entrepreneurship at kabuhayan.
Sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga katuwang na institusyon, masisigurong may sapat na suporta ang ating mga balikbayang manggagawa upang makabangon, makapagsimula muli, at magtagumpay kasama ang kanilang mga pamilya.
Kasabay nito, isinagawa rin ang Press Conference kaugnay ng paglagda sa Memorandum of Agreement para sa pagtatatag ng Regional Reintegration Network sa Rehiyon Dos, isang mahalagang hakbang upang higit pang mapalakas ang koordinasyon ng mga ahensya at mapabuti ang serbisyong ipinagkakaloob sa ating mga OFW.