09/10/2026
DMW, pinalalakas ang reintegrasyon ng mga nagbabalik na OFW sa Cagayan Valley
Pinalalakas ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga programa at serbisyong naglalayong tulungan ang mga nagbabalik na overseas Filipino workers (OFWs) na makapagsimulang muli at makapagtatag ng sariling kabuhayan sa pamamagitan ng ika-62 Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa–National Reintegration Network (BBM-NRN) Fair na ginanap sa Cagayan Coliseum sa lungsod na ito noong Oktubre 9.
Tampok sa aktibidad ang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan na sumusuporta sa pangangailangan ng mga OFW at kanilang pamilya, kabilang ang tulong pinansyal, oportunidad sa trabaho, at mga programang pangkabuhayan.
Ayon kay Andrea Luisa C. Anolin, director IV ng National Reintegration Center for OFWs ng DMW, umabot na sa 55,693 serbisyo ang naihatid ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga isinagawang caravan.
Namahagi rin ang pamahalaan ng P3 milyon na tulong pinansyal para sa kabuhayan ng mga nagbabalik na OFW, habang 842 indibidwal naman ang nakinabang sa Post-Repatriation Seminar.
Binigyang-diin ni DMW Secretary Atty. Hans Leo J. Cacdac na alinsunod ang programa sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga OFW, partikular sa kanilang pangangailangan sa kabuhayan, kaalaman, at kalusugan.
Sa kasalukuyan, nakapagsagawa na ang DMW ng 62 caravan upang maihatid ang mga kinakailangang serbisyo sa mga OFW at kanilang pamilya.
Ayon naman kay Assistant Secretary Maria Regina Angela G. Galias, katuwang ng DMW ang iba't ibang pambansang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang mas malawak na paghahatid ng mga programa at serbisyo para sa mga nagbabalik na manggagawa.
Bilang bahagi ng pagpapalawak ng kaalaman sa ligtas na paghahanap ng trabaho, nilagdaan sa aktibidad ang isang Memorandum of Agreement para sa institusyonalisasyon ng Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons at Pre-Employment Orientation Seminar sa mga kolehiyo at state universities and colleges. Layunin nitong palakasin ang kamalayan ng mga mag-aaral tungkol sa pag-iwas sa ilegal na recruitment at human trafficking.
Sa ilalim ng Enhanced Livelihood Program for OFWs Reintegration, umabot sa P1.98 milyon ang naipamahaging tulong na napakinabangan ng 132 benepisyaryo.
Nagkaloob din ang DMW ng tulong sa 175 benepisyaryo sa ilalim ng AKSYON Program, na may kabuuang pondong P10 milyon.
Samantala, nagbukas ng mga oportunidad sa trabaho ang job fair na nilahukan ng 16 na lokal na employer na nag-alok ng 1,875 bakanteng trabaho. Siyam na Philippine Recruitment Agencies naman ang nag-alok ng 5,500 job orders para sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.
Itinampok din sa aktibidad ang Buy Local, Buy OFWs Fair upang maipakilala at masuportahan ang mga produkto at negosyong itinatag ng mga OFW, kabilang ang mga nagsusumikap na magkaroon ng matatag na pinagkakakitaan sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ni DMW Region 02 Regional Director Atty. Rogelio T. Benitez na patuloy na tutuparin ng ahensya ang mandato nitong paglingkuran ang mga OFW sa pamamagitan ng maayos na pagpapatupad ng mga programa at serbisyong tumutugon sa kanilang mga pangangailangan.