06/07/2026
PAMILYA, MGA MAHAHALAGANG PANUKALA AT PAGKILALA SA MGA NATATANGING CAGAYANO, NANGUNA SA 47TH SP REGULAR SESSION
Ilang mahahalagang panukala, programa, at resolusyon ang tinalakay ng Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan sa ginanap na ika-47 Regular Session nitong Hulyo 6. Kabilang sa mga pangunahing agenda ang panukalang Cagayan Family Development Program, mga karagdagang plano at badyet ng lalawigan, at mga resolusyong nagbibigay-pugay sa mga natatanging Cagayano at institusyon.
Nanguna sa mga panukalang tinalakay ang ordinansang mag-iinstitutionalize sa Cagayan Family Development Program, na pangunahing isinulong ni Vice Governor Manuel Mamba. Layunin nitong likhain ang Provincial Child and Family Development Council, bumuo ng isang komprehensibong programa para sa pagpapatatag ng pamilya at paghubog sa kabataan, at maglaan ng kaukulang pondo para sa pagpapatupad nito.
Isinusulong ng panukala ang mga programang nakatuon sa responsableng pagiging magulang, pagpapalakas ng kultura ng pagbabasa, paghubog ng tamang asal at pagpapahalaga, at responsableng paggamit ng digital technology. Kabilang dito ang Parent Education Program, One-Hour Family Time Program, One-Hour Study Habit, Responsible Digital Citizenship and Digital Wellness Program, Volunteerism and Youth Leadership Program, Family Counseling, at Referral and Support Services. Matapos maipasa sa Unang Pagbasa, ini-refer ang panukala sa Committee on Women, Children, and Family para sa masusing pagtalakay at kaukulang rekomendasyon.
Kasabay nito, isinailalim din sa konsiderasyon ng Sanggunian ang mga dokumentong isinumite ng Provincial Development Council-Executive Committee (PDC-EXCOM), kabilang ang Supplemental Provincial Development Investment Program (SPDIP) No. 02 para sa planning period 2026–2031 at ang Supplemental Annual Investment Program (SAIP) No. 02 para sa CY 2026. Matapos maiprisinta sa plenaryo, kapwa ini-refer ang SPDIP at SAIP sa Committee on Finance and Appropriations para sa masusing pagtalakay at pagbuo ng kaukulang rekomendasyon. Inendorso rin ng Gobernador ang CY 2026 Supplemental Budget No. 01 ng Lalawigan ng Cagayan na nagkakahalaga ng ₱783,512,514.79, na ini-refer din sa naturang komite para sa pag-aaral at deliberasyon.
Inaprubahan rin ng Sangguniang Panlalawigan ang mga committee report na nagrerekomenda sa pag-apruba ng tatlong ordinansa ng Bayan ng Buguey na nagpapatibay sa pagpapatupad ng Children's Emergency Relief and Protection Act, Anti-Child Marriage Law, at ng Local Comprehensive Program for Children in Conflict with the Law (CICL) at Children at Risk (CAR), bilang bahagi ng patuloy na pagpapaigting ng mga hakbang para sa proteksyon at kapakanan ng mga bata.
Naging bahagi rin ng sesyon ang pagpapatibay ng mga resolusyon na nagbibigay-pugay sa mga indibidwal at institusyong nagbigay ng karangalan sa lalawigan at nagpakita ng natatanging paglilingkod sa kani-kanilang larangan. Kabilang sa mga kinilala si Rina Andrea Delos Santos ng Ballesteros sa kanyang makasaysayang pagkakahirang bilang Miss Philippines Earth 2026. Binati rin ng Sanggunian ang lahat ng local government units sa Cagayan at ang Lungsod ng Tuguegarao matapos makamit ang 100% passing rate sa Good Financial Housekeeping Seal para sa CY 2025. Pinagtibay rin ang isang resolusyon bilang pagkilala kay Governor Edgar B. Aglipay sa kanyang pagkakapili bilang Top 2 Performing Governor sa Region II batay sa Boses ng Bayan Governance Assessment ng RPMD Foundation Inc.
Nagpatibay rin ang Sanggunian ng mga resolusyon bilang pagkilala sa mga natatanging Cagayano sa larangan ng edukasyon, agrikultura, at palakasan. Kabilang sa mga pinarangalan sina Dr. Djovi R. Durante ng Enrile sa kanyang muling pagkakahirang bilang Pangulo ng Batanes State College para sa ikalawang termino (2026–2030), Dr. Emmanuel James P. Pattaguan sa kanyang pagkakahalal bilang ikaanim na Pangulo ng Apayao State College, at Jalan Neil C. Moralit ng Solana matapos tanghaling Most Outstanding Fisherfolk (Aquaculture) sa 2026 National Gawad Saka Awards. Kinilala rin sina Nael Raphael Simmone V. Aquino at Asha Ysabelle S. Villacorta ng Baggao South Central School para sa kanilang natatanging pagganap sa Dance Sports Competition ng Palarong Pambansa 2026, bilang pagkilala sa kanilang husay at pagbibigay ng karangalan sa lalawigan ng Cagayan.
Nakatakdang idaos ang susunod na Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan sa Biyernes, Hulyo 17, kung saan inaasahang ipagpapatuloy ang pagtalakay sa mga nakabinbing panukala, programa, at iba pang mahahalagang usapin ng lalawigan.
-JT