04/09/2026
₱621K HALAGA NG HINIHINALANG SHABU, NASAMSAM; MAG-AMANG HVI ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA LASAM
Camp Tirso H Gador, Tuguegarao City, Cagayan—Arestado ang mag amang High-Value Individuals (HVI) matapos makumpiskahan ng kabuuang 91.41 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na ₱621,588.00 sa isinagawang buy-bust operation sa Lasam, Cagayan, noong Setyembre 4, 2026.
Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na Vin, 43, may asawa, magsasaka, at JM, 20, binata, magsasaka, kapwa residente ng nasabing bayan.
Pinangunahan ang nasabing operasyon ng mga Intel Operatives ng Provincial Intelligence Unit–Provincial Drug Enforcement Unit, sa pangunguna ni PLTCOL NORIEL U LACANGAN, katuwang ang mga tauhan ng Lasam Police Station at 3rd Maneuver Force Platoon, 2nd Cagayan Mobile Force Company, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cagayan.
Sa nasabing operasyon, nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substance na hinihinalang shabu. Kabilang dito ang 0.20 gramo na buy-bust evidence na nagkakahalaga ng tinatayang ₱1,360.00, gayundin ang dalawang sachet na nakumpiska bilang possession evidence na tumitimbang ng 45.84 gramo at 45.37 gramo, na may tinatayang street value na ₱311,712.00 at ₱308,516.00, ayon sa pagkakasunod.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakumpiska rin ang isang genuine na ₱1,000 bill, anim na pirasong ₱1,000 boodle money, isang itim na pouch, isang identification card, dalawang Android cellular phone, at isang kulay-abong Yamaha Sniper motorcycle.
Alinsunod sa itinakdang proseso, agad na minarkahan at isinailalim sa imbentaryo ang mga nakumpiskang ebidensya sa lugar ng operasyon, sa presensya ng mga suspek at mga itinalagang saksi, kabilang ang mga halal na opisyal ng barangay at kinatawan ng Department of Justice (DOJ).
Gumamit din ang mga operatiba ng dalawang Alternative Recording Device upang maitala ang mahahalagang pangyayari sa isinagawang operasyon.
Dinala ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Lasam Police Station para sa kaukulang dokumentasyon, imbestigasyon, at disposisyon, gayundin sa paghahanda ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PCOL MARDITO G ANGULUAN, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office, “Sa mga patuloy na kumakapit sa illegal drugs, huwag ninyong sirain ang inyong buhay at kinabukasan ng inyong pamilya. Magbago habang may pagkakataon pa, dahil hindi namin titigilan ang laban kontra ilegal na droga at sa huli, batas ang mananaig.”
Patuloy na paiigtingin ng Cagayan Police Provincial Office ang mga operasyon laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng adhikain ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas—serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman ng bawat mamamayan.
Press Release No. 0904-03
Authority: PCOL MARDITO G ANGULUAN
Provincial Director, Cagayan PPO
Releaser: PCPT SHIELA JOY N FRONDA
Chief, PIO, Cagayan PPO
Hotline: 09175233562 09534363668
Email Add: [email protected] /
[email protected]
Date: September 04, 2026