01/06/2026
|| Kasalukuyang nakikibahagi sa Brigada Eskwela ang 39 benepisyaryo ng TUPAD Program sa Cataggaman Viejo Elementary School at Cataggaman Nuevo Elementary School sa Tuguegarao City bilang bahagi ng suporta ng Department of Labor and Employment Region 2 sa paghahanda ng mga paaralan para sa darating na pasukan.
Kabilang sa kanilang mga gawain ang paglilinis ng paligid ng paaralan, pagkukumpuni ng mga sirang lamesa at upuan, pagpipintura ng mga pasilidad, at iba pang paghahandang kinakailangan para sa ligtas at maayos na pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.
Para kay Alice Matteo, isa sa mga benepisyaryo ng TUPAD, malaking tulong ang pansamantalang trabahong ito upang may maipambili ng school supplies ng kanyang anak. Aniya, umaasa lamang siya sa online selling, habang hindi na gaanong fit to work ang kanyang asawa matapos maoperahan sa tiyan, kaya hindi sapat ang kanilang kita para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Nagsimulang magtrabaho ang mga benepisyaryo noong Mayo 19 at nakatakdang matapos sa Hunyo 5.
Matapos ang kanilang 15-araw na trabaho, nakatakdang makatanggap ang bawat benepisyaryo ng tig-โฑ7,500 sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.
Nakatakda namang magsimula ngayong linggo ang higit 700 iba pang benepisyaryo mula sa mga probinsiya ng Batanes, Isabela, at Quirino upang makibahagi rin sa Brigada Eskwela sa kani-kanilang mga lugar. #