25/08/2026
🇵🇭 Ika-33 Regular na Sesyon ng Ika-26 na Sangguniang Bayan ng Tupi
📅 Agosto 24, 2026
📍 Bulwagan ng Sesyon ng Sangguniang Bayan ng Tupi
Isinagawa ang Ika-33 Regular na Sesyon ng Ika-26 na Sangguniang Bayan ng Tupi nitong Agosto 24, 2026.
Kabilang sa mga naging bahagi ng sesyon ang pagdalo ng mga kinatawan mula sa Barangay Kablon, na naglahad ng kanilang kahilingan para sa suporta at pagpapanatili ng mga kalsadang patungo sa mga pasyalan at tourist spots ng barangay.
Dumalo rin bilang mga tagamasid ang mga mag-aaral mula sa Tupi National High School, na nagkaroon ng pagkakataong masaksihan ang aktuwal na proseso ng isang regular na sesyon ng Sangguniang Bayan.
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, isinagawa ang regular na sesyon sa pangunahing paggamit ng wikang Filipino, bilang pagpapahalaga sa ating wika at kultura.
Matapos ang regular na sesyon, isinagawa rin ang isang bukas na talakayan (open forum) kasama ang mga mag-aaral ng Tupi National High School. Tinalakay dito ang ilang napapanahong isyu na kinakaharap ng kabataan, kabilang ang kaligtasan hinggil sa paggamit at pag-iingat ng baril (gun safety) at mga posibleng patakaran at programa ukol sa kalusugang pangkaisipan (mental health) ng mga mag-aaral. Naibahagi rin sa kanila ang mga pangunahing proseso sa paggawa ng mga batas at ordinansa sa lokal na pamahalaan.
Nagkaroon din ng pakikipagpulong sa kinatawan ng Philippine National Police (PNP) upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon sa kapayapaan at kaayusan (Peace and Order) sa bansa at ang mga usaping may kaugnayan dito sa ating lokal na komunidad.
Sa pamamagitan ng mga ganitong gawain, patuloy na nagsisilbing daan ang Sangguniang Bayan para sa pakikinig, pakikipag-ugnayan, at pakikipagtulungan sa ating mga barangay at mamamayan, lalo na sa mga kabataan.
Tuloy-tuloy ang serbisyo, pakikinig, at paggawa ng batas para sa kapakanan ng bawat Tupinian 🇵🇭