29/04/2026
Ang pamunuan ng Timuay Justice and Governance (TJG) ay mariing kinokondena ang mga paratang laban kay MIPA Minister Hon. Guiamal ‘Teng’ B. Abdulrahman na walang malinaw na batayan at hindi dumaan sa tamang proseso. Naninindigan ang TJG na ang ganitong hakbang ay hindi nakakatulong sa kapakanan ng mga Katutubong Pamayanan kundi nagdudulot lamang ng kalituhan at pagkakawatak-watak. Sa halip, hinihikayat ang lahat na igalang ang wastong proseso, pairalin ang katotohanan, at isulong ang pagkakaisa sa BARMM.
“PAHAYAG NG TIMUAY JUSTICE AND GOVERNANCE (TJG)
Sa Petisyon Laban kay Hon. MIPA Minister Guiamal “Teng” B. Abdulrahman
April 29, 2026
Ang Ministry of Indigenous Peoples Affairs (MIPA) ay itinayo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa kapakanan ng lahat ng Indigenous Cultural Communities/Indigenous Peoples (ICCs/IPs) sa Bangsamoro region, sa mainland at sa island provinces ng BARMM. Patunay ito na buhay ang demokrasya sa ating rehiyon.
Nitong mga nakaraang araw ay kumakalat sa social media ang isang anonymous na petisyon laban kay Hon. MIPA Minister Guiamal “Teng” Abdulrahman, kung saan hinihiling ang kanyang pagbaba sa pwesto bilang Minister ng MIPA dahil sa mga paratang tulad ng “gross negligence; failure to address grievances; at loss of trust and confidence.” Sinasabi na ang petitioner ay mga concerned citizens mula sa mga probinsya ng Maguindanao del Norte at del Sur, BARMM.
Ang appointment ni Hon. Minister Guiamal Abdulrahman sa MIPA ay bago pa lamang. Gayundin, ang Bangsamoro Indigenous Peoples Act (BIPA) o BAA 64 na siyang nagbibigay mandato sa MIPA ay bago rin, kaya’t maituturing na “just in time” ang kanyang appointment.
Ang tanong: paano masasabi ng mga “concerned citizen” na mayroong “gross negligence, failure to address grievances, at loss of trust and confidence” ang Minister, gayong halos kapupwesto pa lamang niya kasabay ng pagpapatupad ng batas tulad ng BAA 64? Ang tutuong concerned citizen ay dapat makipagtulungan sa duly authorized officers sa ating opisina at sa gobyerno sa pangkalahatan, lalo na’t ang ating opisina ay bago pa kumpara sa ibang mga opisina sa rehiyon.
Ang mga hakbang na ginagawa ng mga “concerned citizens” na ito ay malinaw na hindi para paunlarin ang MIPA at ang BARMM sa kabuuan, kundi para sirain ang ating mga institusyon. Dahil dito, kinokondena ng Timuay Justice and Governance (TJG) ang ganitong gawain na pawang paninira, hindi totoo at tunay na walang malasakit sa kalagayan ng mga katutubo.
Kung totoong may basehan o lehitimo ang inyong mga hinaing, nananawagan kami na dalhin ito sa tamang “proper forum” upang mabigyan ng kaukulang pansin alinsunod sa umiiral na batas, at maiwasan ang mga haka-haka na magdudulot lamang ng kalituhan at hindi kinakailangang tunggalian sa ating mga pamayanan.
Tayong mga katutubo ay may malaking gampanan sa mga gawain sa BARMM. Tulad na lamang ng kautusan sa MIPA Administrative Order No. 001, Series of 2026 o General Guidelines on the Confirmation of Indigenous Political Structures (IPS) na inilabas ni Hon. Minister Guiamal Abdulrahman nitong April 28, 2026, matapos ang masinsinang konsultasyon sa mga lider-katutubo. Isa itong patunay na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin at nasa ating mga kamay ngayon ang progreso para sa ating mga Indigenous Political Structures (IPS) ay opisyal na mairehistro sa MIPA.
Bilang pangwakas, ang Timuay Justice and Governance ay nananawagan ng pagkakaisa sa gitna ng krisis sa enerhiya at matinding tagtuyot na kinakaharap ng buong mamamayan sa ating mga kanayunan. Dapat tayong magkaisa, magtulungan, at harapin ang mga problemang ito nang sama-sama. Sino pa ba ang magtutulungan kung hindi tayong mga mamamayan ng Bangsamoro.
Meuyag and Shukran!”