12/06/2026
Pagmamahal sa Bayan at Paninindigan sa Kalayaan, Tampok sa Paggunita ng Bayambang sa Ika-128 Araw ng Kalayaan
Sa makahulugang pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ngayong araw, ika-12 ng Hunyo 2026, sa Balon Bayambang Events Center, muling pinagtibay ng bayan ng Bayambang ang wagas na pagpapahalaga sa mga adhikain ng ating mga bayani at ang matatag na pangakong maipapasa sa susunod na henerasyon ang isang bansang tunay na malaya, maunlad, matatag, at puno ng pag-asa.
Nagsimula ang programa sa marubdob na pag-awit ng mga "Lupang Hinirang," "Himno ng Lalawigan ng Pangasinan," at "Himno ng Bayambang" na pinangunahan ng St. Vincent Ferrer Parish Choir at pumukaw sa damdaming makabayan ng bawat dumalo.
Sinundan ito ng makulay at makahulugang pagtatanghal ng Matalunggaring Dance Troupe, kung saan ipinakita sa pamamagitan ng sayaw ang mayamang kultura ng isang malayang pamayanan. Ang kanilang pagtatanghal ay nagdagdag ng higit pang sigla at diwang makabayan sa buong seremonya.
Ang pagtitipun-tipong ito ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ng Bayambang ay isa na namang pagpaparangal at pagpupugay sa makasaysayang araw na ito nang may pusong puno ng pasasalamat, sigla, at maalab na damdaming makabayan.
Pinangunahan ang aktibidad nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Vice-Mayor Ian Camille Sabangan. Nakibahagi rin ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga pinuno ng iba’t ibang kagawaran at yunit ng pamahalaan, mga kawani ng Lokal na Pamahalaan, mga punong-g**o at g**o mula sa iba’t ibang paaralan sa bayan, mga Punong Barangay at opisyal ng mga barangay, mga kinatawan ng Sangguniang Kabataan, pati na rin ang mga opisyal PNP at BFP.
Sa kaniyang inspirasyunal na talumpati, ibinahagi ni Mayor Quiambao ang tunay na kahulugan ng kalayaan sa kasalukuyang panahon. Ayon sa kaniya, “Ang kalayaan sa makabagong panahon ay hindi lamang isang pribilehiyong tinatamasa natin; ito ay isang mabigat ngunit marangal na pananagutan. Ito ay hindi lamang ipinagdiriwang sa isang araw lamang, kundi isang araw-araw na pagsisikap, isang uri ng rebolusyon laban sa katiwalian, laban sa korapsyon, at laban sa kawalan ng malasakit sa kapwa at sa bayan.”
Binigyang-diin din niya na ang tunay na diwa ng kalayaan ay nasusukat hindi lamang sa kawalan ng dayuhang mananakop, kundi sa kakayahan ng bawat mamamayan na mag-ambag sa kapayapaan, kaunlaran, at pagkakaisa ng lipunan. Ayon pa sa alkalde, ang kalayaan ay nangangahulugan din ng karapatang magkaroon ng maayos na pamumuhay, edukasyon, at pagkakapantay-pantay, na dapat ingatan at ipaglaban ng bawat isa.
Ang paggunita sa Araw ng Kalayaan, ayon naman kay Vice-Mayor Sabangan, ay nagsisilbing mahalagang paalala na ang kalayaang tinatamasa natin ngayon ay hindi kusa lamang dumating, kundi ito ay bunga ng dugo, pawis, at sakripisyo ng ating mga ninuno na inalay ang kanilang buhay para sa ating kinabukasan. Higit pa sa isang makasaysayang okasyon, ito ay isang matinding panawagan sa bawat Pilipino na ipagpatuloy ang ipinaglaban ng mga bayani: ang diwa ng pagkakaisa, katapatan sa tungkulin, at wagas na pagmamahal sa bayan.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng pangwakas na mensahe ang Pinuno ng Komite sa Turismo ng SB na si Kagawad Nazer Jan David B. Junio. Hinimok niya ang lahat na isabuhay ang aral ng araw na ito at gawing gabay sa pang-araw-araw na gawain ang pagiging mabuting mamamayan.
Ang programa ay maayos na inorganisa ng Municipal Tourism Information, and Cultural Affairs Office, sa tulong ng iba't ibang departamento at ahensya. (Gwyneth Villanueva, VMF/RSO; RobC, AG)