31/08/2026
Ang Kawanihan ng Pamatay Sunog ay nakikiisa sa buong sambayanan sa paggunita ng National Heroes Day, bilang pagpupugay sa mga kilala at hindi kilalang bayaning nag-alay ng kanilang buhay, tapang, at sakripisyo para sa kalayaan, kapayapaan, at kinabukasan ng ating bayan.
Sa bawat panahon, ang diwa ng kabayanihan ay patuloy na nabubuhay—sa paglilingkod nang buong puso, sa pagtulong sa kapwa, at sa pagtataguyod ng kaligtasan at kapakanan ng bawat Pilipino. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang kanilang halimbawa upang patuloy nating isabuhay ang tunay na diwa ng kabayanihan, malasakit, at pagmamahal sa bayan.
Ang National Heroes Day ay ipinagdiriwang tuwing huling Lunes ng Agosto bilang isang regular na holiday alinsunod sa Republic Act No. 9492, na nagtakda sa huling Lunes ng Agosto bilang National Heroes Day.
Sa mensahe ni BFP Officer-in-Charge, FCSUPT Wilberto Rico Neil A Kwan Tiu, binigyang-diin niya na ang kabayanihan ay hindi lamang nasusukat sa mga dakilang sakripisyo, kundi higit sa lahat sa tapat, marangal, at walang pag-iimbot na paglilingkod sa bayan at sa kapwa. Aniya, ang bawat kawani ng BFP ay may pagkakataong maging bayani sa araw-araw—sa bawat buhay na sinasagip, bawat panganib na hinaharap, at bawat Pilipinong pinaglilingkuran. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang mga bayani ng ating kasaysayan upang patuloy nating gampanan ang ating tungkulin nang may tapang, malasakit, at paninindigan.
Saludo kami sa lahat ng bayani—kahapon, ngayon, at sa bawat Pilipinong patuloy na naglilingkod para sa bayan.