03/08/2026
Pagbibigay ng suportang medikal ang naging pangunahing layunin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nang isagawa natin ang ceremonial turnover ng 2D Echo Ultrasound with Doppler para sa Emilio G. Perez Memorial District Hospital (EGPDH) sa Kapitolyo ng Malolos Bulacan ngayong Lunes, Agosto 3, 2026.
Para sa kaalaman ng ating mga kababayan, ang 2D Echo Ultrasound with Doppler ay isang non-invasive na pagsusuri gamit ang ultrasound na nagbibigay ng malinaw na larawan ng galaw, istruktura, mga balbula, at daloy ng dugo sa puso sa pamamagitan ng sound waves.
Inaasahan nating lubos itong mapapakinabangan ng mga residente ng Hagonoy at ng mga karatig-lugar, lalo na't mahalagang kagamitang medikal ito sa maagang pagtukoy at pagsusuri ng mga sakit sa puso.
Isinagawa natin ang inisyatibang ito sa ilalim ng Medical Equipment Donation Program na may layuning mapalawak at mapaigting ang serbisyong pangkalusugan sa mga pagamutan sa iba't ibang panig ng Pilipinas.
Kasabay nito, ipinamahagi rin natin ang lotto shares ng Bulacan na nagkakahalaga ng P1,808, 156.64 para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo ngayong taon. Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 357-A na nagtatakda sa PCSO na magbigay ng bahagi ng kita mula sa lotto sa lokal na pamahalaan para sa kanilang mga programa na inilulunsad para sa kanilag mga nasasakupan.
Para sa PCSO, isang produktibong pagsisimula ito ng buwan habang patuloy nating isinusulong ang mga programang naglalayong maghatid ng mas maraming serbisyong pangkalusugan at pangkawanggawa sa ating mga kababayan.