06/10/2026
PAGKILALA AT PASASALAMAT SA MGA NAGLINGKOD AT TUMULONG SA SEARCH AND RESCUE OPERATION
Taos-pusong pagkilala at pasasalamat ang ipinapaabot ng Pamahalaang Barangay ng San Rafael sa lahat ng naglaan ng oras, lakas at kaalaman upang tumulong sa isinagawang paghahanap sa labi ng isang taong nalunod sa Wawa River.
Lubos nating pinahahalagahan ang dedikasyon ng mga kawani ng Pamahalaang Barangay ng San Rafael, partikular ang ating Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO) at Barangay Public Safety Office (BPSO) gayundin ang mga kawani ng Pamahalaang Bayan ng Montalban, partikular ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), mga kawani ng Philippine Coast Guard, at ang mga residenteng nagmalasakit at boluntaryong nakiisa sa paghahanap.
Ang inyong pagtutulungan, sakripisyo at malasakit ay tunay na nagpapakita ng diwa ng bayanihan, lalo na sa panahon ng pagsubok. Maraming salamat sa inyong walang pagod na pagtugon upang makatulong sa pamilya ng biktima.
Kasabay nito, taos-pusong ipinapaabot ng Pamahalaang Barangay ng San Rafael ang aming pakikiramay sa pamilya at mga naulila. Nawa’y bigyan kayo ng Panginoon ng lakas, kapanatagan at pag-iingat sa panahon ng inyong pagdadalamhati.
Muli rin po kaming nakikiusap sa ating mga dumadayong turista at bisita na mahigpit na sundin ang mga ipinagbabawal na lugar para sa pagligo at ang lahat ng babala at paalalang nakapaskil sa mga delikadong bahagi ng ilog.
Ang mga pagbabawal at paalalang ito ay hindi upang hadlangan ang ating pamamasyal, kundi upang mapangalagaan ang buhay at maiwasan ang anumang sakuna. Hinihiling namin ang inyong pakikiisa at pagiging responsable upang maging ligtas ang bawat pagbisita sa ating lugar.
Mula sa Pamahalaang Barangay ng San Rafael, sa pamumuno ni Kapitan Judith Cruz at ng Sangguniang Barangay, maraming salamat sa lahat ng tumulong at patuloy na naglilingkod para sa kaligtasan ng ating mga kabarangay at bisita.