22/09/2026
📌 OPISYAL NA PAGLILINAW AT PABATID
Sa mga kumakalat na katanungan at pahayag hinggil sa naging pagkaantala ng mga dokumento, voucher, kagamitan, at pondo, nais po ng Barangay Mabini na magbigay ng malinaw at diretsahang paglilinaw upang maiwasan ang maling impormasyon.
Una, HINDI PO BARANGAY MABINI ANG NAKAWALA NG MGA DOKUMENTO.
Ang Barangay Mabini ay nakapagpasa ng kinakailangang dokumento sa tamang proseso. Ang naging problema ay ang pagkawala ng dokumento sa pinagpasahan nito sa Kapitolyo, at hindi sa panig ng Barangay Mabini.
Kaya hindi po tama na ibinibintang sa Barangay Mabini ang pagkaantala na para bang hindi nakapagpasa ang Barangay. May dokumentadong proseso at may pinagpasahan ang mga naturang papeles.
Pangalawa, HINDI LAMANG BARANGAY MABINI ANG NAKARANAS NG GANITONG PROBLEMA.
Maging ang Barangay Lourdes ay nakaranas din ng pagkawala ng kanilang mga dokumento. Dahil dito, dalawang Barangay ang naging late sa pagkakuha ng kanilang voucher.
Pangatlo, tungkol naman po sa mga TENTS AT UPUAN.
Kung may nagtatanong kung bakit mayroon nang tents at upuan gayong wala pa namang nailalabas na bayad o tseke, malinaw po ang sagot:
Ibinigay na po ang mga ito bilang pakunswelo at konsiderasyon sa Barangay dahil sa naging abala at problemang dulot ng pagkawala ng dokumentong naipasa naman po ng Barangay.
Ibig sabihin, nauna nang ipinagkaloob ang mga kagamitan kahit wala pang nailalabas na bayad o tseke. Hindi po ito nangangahulugan na may inilabas nang pondo nang walang proseso.
Pang-apat, tungkol sa VOUCHER AT PAGLALABAS NG PONDO.
Naibigay na po ang voucher para sa Barangay Mabini. Subalit, alam naman po ng lahat na tayo ay kasalukuyang nasa ELECTION BAN. Dahil dito, may mga umiiral na batas, panuntunan, at proseso na kailangang sundin bago maaaring maglabas ng pondo.
Hindi po maaaring basta-basta maglabas ng pera dahil lamang sa kagustuhang mapabilis ang proseso. May proseso pong kailangang sundin, at ang Barangay ay hindi maaaring lumabag dito.
TUNGKOL SA DILG
Ang lahat ng naging problema at pangyayaring ito ay alam ng DILG. Patuloy po silang nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan sa Barangay Mabini upang maresolba ang mga naging aberya at upang maisagawa ang mga kinakailangang hakbang.
Pati po ang paglalabas ng pondo para sa ating mga iskolar ay patuloy na ginagawan ng paraan ng DILG, alinsunod sa mga kinakailangang proseso at umiiral na mga patakaran.
Kaya po, bago maglabas ng akusasyon o magbigay ng pahayag na maaaring makalito sa ating mga kabarangay, mangyaring alamin muna ang buong katotohanan at proseso.
Ang Barangay Mabini ay hindi tumatakbo sa sabi-sabi. May dokumento, may proseso, may pinagpasahan, at may mga kinauukulang tanggapan na nakakaalam sa naging sitwasyon.
Hindi po namin itinatago ang problema. Sa halip, inaayos po namin ito sa tamang paraan at sa tamang proseso.
Maraming salamat po sa inyong pang-unawa, pasensya, at pakikipagtulungan.