23/09/2025
SIGAW NG GUTOM, APOY NG PAGHIHIMAGSIK
Adik. Utak talangka. Gangster. Anarkista. Marami pang iba ang mga binansag sa ating mga kabataang rallyista sa Mendiola noong nakaraang araw. Alam kong hindi madaling maunawaan kung papaanong ang munting pagkilos ng bayan ay nauwi sa marahas na dispersal. Kaya't simulan natin sa simula ang pagkekwento ng ating karanasan.
Umaga noong tayo ay nagkita sa Kalaw. Nagtanungan ng mga pangalan, ng mga programang kinukuha, at ng mga organong kinabibilangan. Hindi natin alintana ang init ng Roxas Boulevard, hanggang magmartsa tayo patungong puso ng Luneta. Inulan tayo noong hapon, habang nagmamartsa patungong Mendiola. Naghalo ang ambon at pawis at uhog na humuhingi ng hustisya. Mapayapa tayong nagprograma, nag-awitan, at nag-alala sa mga bayaning binuwal ng estadong magnanakaw sa tarangkahan ng Malacaรฑang. Hindi tayo magkakakilala noong umaga, ngunit ng pagdating sa Mendiola, parang taon na ang haba ng ating pagsasama. Buklod na tayo; hindi ng pangalan, bagkus ng karanasan.
Alam kong nakita mo ang usok ng teargas. Naramdaman ko ang kaba mo noong may pumutok at nagsitakbuhan ang mga tao. Natanaw ko sa mga mata mo ang pangamba nang bombahin ang ating bulto ng tubig. Magkahawak kamay tayong tumakbo, umaasang huwag tayong abutin ng batuta ng mga unipormadong elemento. Magkakasama tayo sa mga sandaling parang hindi natin matanaw ang bagong umagang hinaharangan ng usok ng teargas ng estado. Mahapdi ang mga mata natin sa usok, sa pawis, sa takot, at sa galit.
Hinuli nila ang ating mga kasamaโhumigit dalawang daanโkasama si Gio na ating kamag-aral. โDi pa sapat na ginawan ng gawa-gawang kaso, minalasado pa sila sa mga kubol ng pasistang estado. Nakita kong nagbago ang iyong mukha nang nalaman mo ito. Ang mas nakakagalit ay istatisko si Gio ng libu-libong Pilipinong pinapatahimik ng estado. Isa si Gio sa mga peryodistang ginigipit, hindi lamang ni Marcos, bagkus maging noong panahon pa nila Roxas at Aquino.
Alam kong natatakot ka. Nakita ko ang paimpit mong nerbyos noong kinumusta kita. Subalit nakita ko rin na higit kang mapagpasya. Napansin ko ang namumuo mong kamaong ibabato sa hangin hanggang tamaan ang pahirap na estado. Naramdaman ko ang nagniningas mong diwang nag-aalab sa iyong puso. Nakita ko ang galit sa mga mata mo. Hindi tayo gaganti, maniningil tayo.
Kasama, hindi aatras ang ating hanay. Hindi ang teargas, hindi ang SWAT, at mas lalong hindi ang bulto ng pulis ang siyang magpapasya sa ating paglaban at pagmulat. I-oorganisa natin ang malawak na lipunan, pangangahasin natin maski ang mga bilangguan. Liliban tayo sa mga klase kapalit ng paglikha ng kasaysayan. Iwawagayway natin ang watawat ng taumbayan maski sa tapat ng estasyon ng kapulisan. Sa paglisan natin sa pamantasan, tuturuan natin ng leksyon ang estado, na ang magnanakaw at berdugong pumapatay ay aabutin ng hustisya ng bayan.
Sa bawat martsang ating ihahakbang, papatagin natin ang kabundukan at sistemang lumalapnos sa mamamayan. Maglalakad tayo hindi lamang hanggang Mendiola, bagkus hanggag ganap na tagumpay.
Hindi Marcos o si Dumagoso ang magdidikta kung ano ang tama at maling pagkilos ng bayan. Ang kalam nating sikmura ay magtutulak sa atin pabalik sa daluyan ng masa. Kasama, alam kong tayo ay sugatan, kaya huwag kang matakot sumigaw. Huwag kang mahiyang lumuha at gumarulgol ang iyak. Babawi tayo sa nalalapit na bukas, susunduin si Gio sa Baseco kasama ang lahat ng bilanggong pulitikal na niyuyurakan ng estado.
Babawain natin ang naratibo. Hindi tayo adik, hindi tayo bayaran ng mayamang pulitiko. Tayo ay mga kabataang Pilipino, nagniningas ang diwang baguhin ang aba nating kalagayan. Magbubuklod tayo, mag-oorganisa, kikilos, maglilinya. Tayong mga binabansagan ng kung ano-ano ay magbibigay ng bagong pangalan sa kung ano tayo. Tayo ay mabubuting anak ng bayan. Mga nagpasyang wasakin ang lumang tanikalang nagpapahirap sa ating kalagayan.
Lingkod Bayan, wala na sa mga libro ng konstitusyon ang inyong karapatan, lantaran na itong inaapak-apakan. Panahon na upang iwan ang makikitid na sulok ng paaralan, at iugnay ang lahat ng lakas, talino, at husay sa hanay ng masang lumalaban.
Ang payapang pangpang na ating natatanaw, ay para lamang sa matatapang na sumagka sa alimpuyo nito. Kasama, handa na tayong sumagka sa alimpuyo ng kasaysayan, mahirap ma't paalon-alon, uukitin natin ang ating tagumpay nang magkakabuklod at organisadong hanay.
LINGKOD BAYAN, TIBAYAN ANG HANAY! GAPIIN ANG KAAWAY! SUMALI SA ANAKBAYAN!
https://bit.ly/joinAnakbayanPUP_CPSPA
https://bit.ly/joinAnakbayanPUP_CPSPA
https://bit.ly/joinAnakbayanPUP_CPSPA