10/08/2026
Malugod na tinatanggap ng AGRI Partylist ang pagkakatalaga kay Dr. Beverly Lorraine C. Ho bilang bagong President at Chief Executive Officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Matagal na nating isinusulong na ang pamumuno sa PhilHealth ay dapat manggaling mismo sa sektor ng kalusugan—mula sa mga propesyonal na may sapat na kaalaman, karanasan, at malalim na pag-unawa sa pangangailangan ng ating healthcare system. Kaya naman, umaasa tayo na ang kanyang malawak na karanasan sa public health at universal health care ay magsisilbing mahalagang ambag sa pamamahala ng PhilHealth.
Kasabay nito, nananawagan ang AGRI Partylist sa bagong pamunuan ng PhilHealth na pakinggan at isulong ang matagal na nating panawagan: gawing tunay at ramdam ng bawat Pilipino ang layunin ng Universal Health Care.
Hindi dapat maging pribilehiyo ang pagkakaroon ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan. Dapat itong maging karapatan ng bawat Pilipino—mayaman man o mahirap, lalo na ang ating mga magsasaka at mangingisda na kadalasang nahihirapang makakuha ng sapat na serbisyong medikal.
Panahon na upang maging konkretong realidad ang libreng gamot at libreng pagpapagamot para sa ating mga kababayan. Dapat ang PhilHealth ay maging tunay na sandigan ng bawat Pilipino sa oras ng pagkakasakit, at hindi dagdag na pasanin sa isang pamilyang kapos na sa kita.
Umaasa ang AGRI Partylist na sa ilalim ng bagong pamunuan, mas mapapalakas ang PhilHealth bilang isang institusyong tunay na nakatuon sa Universal Health Care.
Ang kalusugan ay karapatan, hindi pribilehiyo. Tuloy ang ating laban para sa Libreng gamot at libreng pagpapagamot para sa bawat Pilipino. 🇵🇭