29/05/2026
NHA, NAMAHAGI NG PABAHAY SA 34 KATUTUBONG PAMILYA SA SULTAN KUDARAT 🏡
Namahagi ang National Housing Authority ( ) ng 34 na yunit ng pabahay para sa mga pamilyang kabilang sa Tribong Manobo-Dulangan at Teduray sa Pamantingan IP Housing Village Project na matatagpuan sa Sitio Lifi-lifian, Brgy. Pamantingan, Esperanza, Sultan Kudarat noong Mayo 26, 2026.
Bilang kinatawan ni General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni NHA Region XII Manager Engr. Zenaida M. Cabiles ang seremonya kasama ang mga opisyal ng ahensya, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) XII, National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) XII, at ng lokal na pamahalaan ng Esperanza.
Ito ang ikalawang turnover ceremony ng NHA XII sa nasabing lugar, matapos ang pagkakaloob nito ng 66 yunit noong Pebrero 25, 2024 sa Sitio Kuhahen.
Ang proyekto, na ipinatupad sa ilalim ng Housing Assistance Program for Indigenous Peoples (HAPIP) ng NHA, ay binubuo ng 100 yunit ng pabahay para sa mga nabanggit na katutubong grupo. Layon nitong mabigyan ng ligtas na tirahan ang mga pamilyang naninirahan sa loob ng mga protektadong lugar, mga nakatira sa mga danger zone tulad ng mga gumuguhong talampas sa bundok, at ang mga maaapektuhan ng road right-of-way.