31/08/2026
DENR MEO-South Estero Rangers, nakalikom ng 150 sako ng basura sa Long Island, LPPWP
Patuloy na pinaiigting ng DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)-South ang pangangalaga sa mga daluyan ng tubig sa pamamagitan ng regular na cleanup operations na isinasagawa ng mga Estero Rangers nito sa Long Island, Las Piñas–Parañaque Wetland Park (LPPWP).
Sa isinagawang cleanup operation, masigasig na inalis at kinolekta ng mga ERs ang mga basurang naipon sa lugar upang mapanatili ang kalinisan at makatulong sa maayos na daloy ng tubig. Umabot sa humigit-kumulang 150 sako, o tinatayang 4,500 kilo, ng iba’t ibang uri ng solid waste ang nahakot mula sa lugar.
Bahagi ang operasyon ng patuloy na mga hakbang ng DENR MEO-South para sa pangangalaga at rehabilitasyon ng mga waterways at wetland areas sa Metro Manila. Sa pamamagitan ng regular na paglilinis at pagmamanman ng mga ERs, nakatutulong ang mga ito sa pagpigil sa pag-ipon ng basura na maaaring maanod patungo sa iba pang daluyan ng tubig at sa Manila Bay.
Hinihikayat naman ng DENR MEO-South ang publiko na maging katuwang sa pangangalaga ng mga waterways sa pamamagitan ng wastong paghihiwalay at pagtatapon ng basura at pag-iwas sa pagtatapon ng anumang uri ng solid waste sa estero, ilog, kanal, creek, at iba pang daluyan ng tubig. Sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan at komunidad, mas mapangangalagaan ang mga waterways at mapananatili ang isang malinis at ligtas na kapaligiran.