11/11/2026
𝗗𝗠𝗪, 𝗡𝗔𝗞𝗔𝗣𝗔𝗦𝗢𝗞 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗥𝗞𝗢𝗡𝗚 𝗧𝗜𝗡𝗔𝗠𝗔𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗗𝗔𝗟𝗔𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗗𝗥𝗢𝗡𝗘; 𝗔𝗚𝗔𝗥𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗚𝗛𝗔𝗧𝗜𝗗 𝗡𝗚 𝗧𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝟮𝟭 𝗡𝗔𝗞𝗔𝗟𝗜𝗚𝗧𝗔𝗦 𝗡𝗔 𝗣𝗜𝗟𝗜𝗣𝗜𝗡𝗢𝗡𝗚 𝗦𝗘𝗔𝗙𝗔𝗥𝗘𝗥 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗛𝗥𝗔𝗜𝗡
MANAMA, Bahrain – Matapos ang tatlong araw na pakikipag-ugnayan at paghihintay ng kinakailangang pahintulot, matagumpay na nakasampa ang pangkat ng Migrant Workers Office (MWO) sa Bahrain, sa pangunguna ni Labor Attaché Orville A. Ballitoc, sa barkong Velos Sapphire na nakadaong sa ASRY Shipyard (Arab Shipbuilding and Repair Yard) sa Hidd, Bahrain, malapit sa Khalifa Bin Salman Port.
Personal na nakipag-ugnayan ang MWO team sa 21 Pilipinong seafarer na nakaligtas sa dalawang pag-atake ng drone na tumama sa naturang barko. Agad silang kinapanayam upang makuha ang kanilang mga personal na salaysay at malaman ang mga pangyayari kaugnay ng insidente.
Kabilang sa mga salaysay ang mga pangyayari kaugnay ng pagpanaw ng ating kababayang seafarer na si William John John Ondoy, na nasawi matapos mahulog sa tangke ng diesel ng barko nang direktang tamaan ito ng isa sa mga drone. Nakikiramay ang Department of Migrant Workers sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.
Agad ding naghatid ng ayuda ang MWO Bahrain sa mga nakaligtas sa pamamagitan ng mainit na pagkain mula sa isang kilalang Filipino fast-food chain at USD 200 mula sa AKSYON Fund ng DMW para sa bawat isa sa 21 Pilipinong seafarer.
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa Philippine Maritime Convention 2026 ang responsibilidad ng pamahalaan na tiyaking dama ng bawat Pilipinong marino ang suporta ng sariling bansa, saanman sila nagtatrabaho. Aniya:
“Tiyakin natin na bawat Pilipinong naglalayag sa ilalim ng watawat ng Pilipinas, o kumakatawan sa ating bansa sakay ng isang pandaigdigang sasakyang pandagat, ay may kumpiyansa na nakasuporta at nakatindig sa kanilang likuran ang sariling bansa.”
Kaakibat ng paninindigang ito, muling pinagtitibay ng Department of Migrant Workers ang hindi matitinag nitong pangako na pangalagaan ang buhay, karapatan, kaligtasan, at kapakanan ng bawat Pilipinong seafarer, saanman sila naroroon sa mundo. Sa harap ng tumitinding banta sa seguridad sa karagatan, mananatiling maagap at handa ang DMW na rumesponde, maghatid ng ayuda nang direkta sa mga Pilipinong nangangailangan, at tiyaking walang Pilipinong seafarer ang mapapabayaan o maiiwan nang walang kalinga at suporta mula sa pamahalaan. Patuloy ding makikipag-ugnayan ang Kagawaran sa mga kinauukulang awtoridad at mga katuwang na institusyon upang maisagawa ang lahat ng kinakailangang hakbang para matiyak ang kaligtasan, dignidad, at kapakanan ng ating mga kababayang seafarer.
# # #