15/09/2026
PCADG CADD, Naghatid ng Kaalaman at Kamalayan sa mga Mag-aaral ng Quezon City Academy
Sa layuning palakasin ang kaalaman at kahandaan ng kabataan sa iba’t ibang sitwasyon, matagumpay na isinagawa ng Community Assistance and Development Division (CADD) ang isang Information Drive and Awareness Campaign para sa mga mag-aaral ng Grades 7, 8, 9, 10, 11, at 12 ng Quezon City Academy bilang pagdiriwang sa ika-32 National Crime Prevention Week nito lamang ika-15 ng Setyembre 2026.
Pinangunahan ni PCPT ROMEL T SUMALINOG, C, CAS, CADD, sa ilalim ng pangangasiwa ni PCOL LUIS E GUISIC, C, CADD, katuwang ang mga facilitator ng nasabing paaralan na kung saan isinagawa ang aktibidad sa dalawang sessions.
Tinalakay sa mga lecture ang mahahalagang paksa tulad ng Active Shooting Survival Tips, Anti-Bullying, at Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act, upang mas mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral hinggil sa kaligtasan, pag-iwas sa bullying at harassment, at wastong pagkilos sa oras ng pangangailangan. Bilang bahagi ng kampanya, namahagi rin ang CADD personnel ng 500 IEC materials at mga kopya ng Pulis Serbis Balita sa mga mag-aaral.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, patuloy na inilalapit ng PCADG CADD ang serbisyo at mensahe ng PNP sa kabataan, habang hinihikayat silang maging mapanuri, responsable, at handang kumilos para sa kanilang sariling kaligtasan at kapakanan. Sa huli, ang isang kabataang may sapat na kaalaman at kamalayan ay mahalagang katuwang sa pagbuo ng mas ligtas na paaralan at komunidad.