24/09/2026
𝐏𝐃𝐋𝐒 𝐍𝐆 𝐁𝐀𝐆𝐔𝐈𝐎 𝐂𝐈𝐓𝐘 𝐉𝐀𝐈𝐋 𝐅𝐄𝐌𝐀𝐋𝐄 𝐃𝐎𝐑𝐌𝐈𝐓𝐎𝐑𝐘, 𝐌𝐀𝐘 𝐏𝐀𝐍𝐈𝐁𝐀𝐆𝐎𝐍𝐆 𝐁𝐔𝐇𝐀𝐘 𝐃𝐀𝐇𝐈𝐋 𝐒𝐀 𝐋𝐈𝐕𝐄𝐋𝐈𝐇𝐎𝐎𝐃 𝐏𝐑𝐎𝐆𝐑𝐀𝐌
Hindi lamang pagbabago at pagsisisi ang maaaring mangyari sa isang taong nakukulong, kundi maaari rin itong maging pagkakataon upang matuto ng bagong kasanayan, magkaroon ng libangan, at maging handa sa buhay na naghihintay sa kanya sa labas.
Iyan ang naibibigay na epekto ng livelihood program sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa Baguio City Jail.
Kahapon lamang ay natapos ang dalawang-araw na Open House program na nagsimula noong Setyembre 21, 2026.
Kaakibat nito ang Project Delivering Outreach, Opportunity, Reintegration, and Service (Project D.O.O.R.S.), kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga PDL na i-promote at ibenta ang mga produktong sarili nilang ginawa.
Ibinahagi ni alyas “Mama Red,” isa sa mga PDL na lumahok sa livelihood activities, na malaki ang naitutulong ng mga training na kanilang ginagawa sa loob ng pasilidad dahil nagbibigay ito ng kasanayan at inspirasyon na maaari nilang magamit, gaya ng pagkakaroon ng sariling pagkakakitaan pagdating ng panahon na sila ay makalabas at makalaya.
“It’s a good thing to do for us PDLs kasi nagkakaroon kami ng inspiration para gawin po ang mga bagay po na ito dahil dito natuto kami sa training. Thank you for the help of BJMP personnel kasi sila po ang nagtiyaga at talagang nag-support sa amin. Walang sawa po silang lumalapit sa amin na ipaalala na kailangan namin ito, kasi ano na lang ang mangyayari sa buhay namin when we go out? At least for a good change in our life, magkakaroon kami ng panibagong buhay sa labas na we can use this as our skill, we can have our own business, and it’s a good thing kasi mababago iyong buhay namin.”
Dagdag pa niya, bukod sa nakatutulong ito upang suportahan ang kanilang pangangailangan sa loob at sa kanilang pamilya, ang paggawa ng livelihood products, partikular na ang mga bayong, bags, keychains, at decorations, ay isang paraan upang maipahayag nila ang kanilang emosyon dahil ang mga ito ay mula sa kanilang sariling visual ideas, designs, at concepts.
Samantala, ipinaliwanag naman ni SJO4 Racquel Tengay, City Jail Warden ng Baguio City Jail Female Dormitory, na idinagdag ang Project D.O.O.R.S. sa kanilang karaniwang isinasagawang Open House program upang mas mapalawak pa ang naaabot ng mga produktong gawa ng mga PDL sa mga komunidad na hindi makapunta mismo sa City Jail.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, maaaring bumili ang mga customer ng mga produkto at ipahatid na lamang ang mga ito sa kanilang mismong mga tahanan.
“Itong Project D.O.O.R.S. ay idinagdag namin doon sa existing na Open House. Kasi kapag iyong Open House, pupunta rito ang ating community at iba pang customers na walk-in para dumalaw at saka para bumili ng ating PDL products. Idinagdag natin itong Project D.O.O.R.S. nang sa ganoon ay iyong mga hindi makakapunta rito ay made-deliver natin direct sa kanilang door kaya tinawag nating Project D.O.O.R.S.”
Ayon pa kay SJO4 Tengay, ang malilikom na pondo mula sa mga nabentang produkto ay mapapakinabangan din ng mga PDL, kung saan ang bahagi nito ay mapupunta sa kanilang labor work, habang ang iba naman ay ilalaan sa kanilang welfare and development fund.
Maaari nila itong pagkunan ng pondo sakaling kailanganin nila ng medical assistance at para sa iba pa nilang mga aktibidad.
Bukod pa rito, plano nilang isagawa ang programa kada buwan, kabilang ang susunod na iskedyul na itatapat sa pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week (NACOCOW).
Sa pagpapatuloy ng livelihood training at pagbebenta ng mga produkto sa komunidad, natutulungan ang mga PDL na makabangon muli, lalo na't hindi magiging madali ang buhay na kanilang haharapin sa kanilang paglabas.
Sa ganitong munting paraan, nagkakaroon sila ng pagkakataon at inspirasyon upang magkaroon ng panibagong direksyon at makapagsimula muli ng panibagong buhay.
📷✍️Mary Angeline Sacedon, DZWT-SLU Intern